Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mayroon na siyang mga nakakausap na personalidad na posibleng maging susunod na lider ng bansa.
Sa ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum, tinanong ang Pangulo kung anu-anong katangian ang dapat taglayin ng susunod na pangulong ihahalal ng taumbayan.
Ayon sa kanya, may ilang indibidwal na siyang nakausap kaugnay nito, ngunit hindi pa aniya ito ang tamang panahon para magbigay ng endorsement. Mayroon din umano siyang mga kinausap na tumangging isaalang-alang ang naturang posibilidad.
Iginiit ng Pangulo na mas dapat pagtuunan ng pansin ng susunod na lider kung paano mapapabuti ang kalagayan ng bansa kaysa ang pamumulitika.
Aniya, ang kailangan ng Pilipinas ay isang “nation-builder”, isang pinunong may malasakit, may malinaw na layunin para sa pag-unlad, at tunay na nagmamahal sa bayan.
Dagdag pa niya, maaaring magtunog emosyonal o sentimental ang mga katangiang ito, ngunit naniniwala siyang ito ang kinakailangan ng mga Pilipino.
Mahalaga rin aniya na ang susunod na pangulo ay marunong makinig at tumanggap ng payo mula sa mga taong may sapat na kakayahan at kaalaman upang matiyak ang maayos na pamamahala sa bansa.











