Dalawang indibidwal na kabilang sa High Value Individuals (HVI) ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang search warrant operation sa Brgy. Lanting, Roxas, Isabela nitong hapon ng Mayo 17, 2026, kung saan nasamsam ang mahigit ₱1.9 milyong halaga ng hinihinalang shabu at iba’t ibang armas.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Orly, 51 anyos, at alyas Pedro, 35 anyos, kapwa residente ng naturang barangay. Isinagawa ang operasyon bandang alas-4 ng hapon sa pangunguna ng Roxas Police Station kasama ang Isabela Police Provincial Office at PDEA Isabela.
Bitbit ang search warrants mula sa RTC Branch 23, isinagawa ang operasyon kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 at Republic Act 10591.
Nasamsam mula sa mga suspek ang tinatayang 279.80 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱1,902,640, gayundin ang mga drug paraphernalia tulad ng weighing scale, tooter, improvised tube, lighter, at aluminum foil.
Nakumpiska rin ang iba’t ibang baril, bala, at magazines na kinabibilangan ng revolver, Glock 17 9mm pistol, at Colt MK IV .45 pistol.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Roxas Police Station ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.











