Nangangamba ang Estados Unidos sa pagliit ng imbentaryo ng mga missile defense system nito kasunod ng matagal na tensyon at mga operasyong militar sa Middle East.
Batay sa datos ng Center for Strategic and International Studies (CSIS), bumaba na sa 827 ang bilang ng Patriot missile interceptors mula sa tinatayang 2,300 bago sumiklab ang kaguluhan sa rehiyon.
Nabawasan din ang bilang ng Terminal High Altitude Area Defense (THAAD) systems mula 452 hanggang sa wala pang 278 units.
Nagbabala ang CSIS na maaaring abutin ng hindi bababa sa tatlong taon bago muling mapunan ang mga naturang reserba, na posibleng makaapekto sa kakayahan ng militar ng US na tumugon sa iba pang banta sa hinaharap.
Dahil dito, naglaan ang Pentagon ng $18.2 bilyon mula sa $67 bilyong emergency funding request nito para sa 2026 upang makabili ng mga kapalit na Patriot missiles, Tomahawk cruise missiles, at THAAD systems.
Kasama rin sa mga prayoridad ng militar ang pagbili ng mas murang mga armas upang mapabilis ang muling pagpapalakas ng kanilang mga imbentaryo.











