Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na magsagawa ng inspeksyon sa Kalayaan Island Group para pag-aralan ang posibilidad ng pagtatayo ng daungan at paliparan na makatutulong sa pagpapalakas ng turismo.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang ang direktiba ng Pangulo. Ayon sa kanya, layunin nitong pasiglahin ang turismo at lumikha ng karagdagang kabuhayan para sa mga residente sa lugar. Sinabi rin niyang personal na nakausap ni Dizon ang Pangulo at inatasan itong suriin ang mga pangangailangan sa isla at magmungkahi ng pagtatayo ng port at airstrip.
Inihayag ang plano kasabay ng pagbubukas ng Kalayaan Municipal Tourism Office ng limitadong slot para sa siyam na araw at walong gabing tour package ngayong Pebrero.
Saklaw ng mga package ang round-trip transfer, tuluyan, at araw-araw na pagkain. Bukas ito sa mga lokal at dayuhang turista ngunit kailangan ng kumpirmadong booking at mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin sa paglalakbay ng lokal na pamahalaan.
Ang Kalayaan Island Group ay nasa West Philippine Sea at nasa ilalim ng pamamahala ng munisipalidad ng Kalayaan sa Palawan. Pormal itong binuksan sa turismo noong Marso 2023 sa pamamagitan ng Great Kalayaan Expedition, isang linggong paglalayag na nagdala ng mga turista sa mga isla ng Lawak, Patag, Likas, at Pag-asa.
Mula noon, katuwang ng Department of Tourism ang mga lokal na opisyal sa pagsasanay at pagpapahusay ng mga pasilidad sa Pag-asa Island upang maihanda ang komunidad sa pagdagsa ng mga bisita, kasabay ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapatupad ng seguridad.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na nananatiling kontrolado ang pagpasok sa lugar dahil sa mga konsiderasyong pangseguridad at logistical. Kinakailangan ng mga interesadong bumisita na direktang makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Kalayaan.











