--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Isabela na patuloy ang kanilang pagtutok sa usapin ng iligal na droga sa lalawigan lalo pa at pinarangalan sila ng PDEA National headquarters bilang Best Provincial Office.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDEA Isabela Provincial Officer Romarico Pagulayan, sinabi niya na laking pasasalamat ng buong pamunuan ng PDEA Isabela na ang kanilang tanggapan ang napili ng pambansang tanggapan ng PDEA bilang Best Provincial Office sa buong bansa.

Aniya sa loob ng dalawang taong operasyon ng PDEA Isabela ay marami ang kanilang accomplishment na naging daan upang sila ay maging kwalipikado sa parameters ng National Headquarters.

Marami aniyang drug cleared barangays sa lalawigan ng Isabela at ang pinakahuli ay ang deklarasyon sa City of Ilagan at Cauayan City bilang Drug Cleared Cities na kauna-unahan sa buong bansa.

--Ads--

Isa rin sa rason ang maraming ipinatayong Balay Silangan sa Lalawigan ng Isabela kung saan dinadala ang mga nahuhuling drug offenders.

Ayon kay Provincial Officer Pagulayan marami pang barangay sa lalawigan ang hindi pa nalilinis sa iligal na droga kaya nakatutok pa rin ang kanilang pamunuan upang tuluyan nang maideklarang drug cleared ang mga ito.

Aniya hindi sila titigil hanggang may sirkulasyon ng iligal na droga sa Lalawigan katuwang ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan pangunahin na ang mga opisyal ng barangay na nakakaalam sa mga nangyayari sa kanilang komunidad.