CAUAYAN CITY – Pinababantayan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Isabela sa mga Local DRRMO ang mga waterways para malaman kung kailangang maglikas ng mga tao kapag tumaas ang antas ng tubig kung malakas ang ulan na dala ng bagyong Florita.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PDRRMO Atty. Constante Foronda na may limang team ang PDRRMO na kinabibilangan ng water search and rescue expert na may mga kagamitang pangligtas.
Hindi aniya kalakasan ang 60 kilometer bawat oras na taglay ng bagyo ngunit minomoniror nila ang dalang ulan.
Kung hindi malakas ang ulan sa Isabela ngunit malakas sa mga kabundukan lalo na sa Sierra Madre Mountains ay bababa ito sa mga katubigan sa Isabela.
Saturated na ang lupa sa lalawigan dahil sa naranasang pag-ulan sa mga nagdaang araw kaya hindi na masisipsip ng lupa ang tubig kaya inaasahang bababa ito sa mga sapa, tributaries at sa Cagayan River.
Ayon kay Atty. Foronda, patuloy na nagpapakawala ng tubig ang Magat dam sa Ramon, Isabela ngunit kalahating metro na lamang ang bukas o opening ng floodgate at nasa average na 86 cubic meters per second ang pinapakawalang tubig.
Sinabi pa ni Atty. Foronda na nagpulong sila noong nakaraang Miyerkoles at tinalakay ang mga paghahanda sa mga bagyo na tatama sa Isabela.
Mayroon silang response cluster na alam ang mga gagawin kapag may rescue, evacuation, relief operation at clearing ng mga daan sakaling may malakas na bagyo.
Nakahanda ang PDRRMO para sa augmentation sakaling kailangan ng mga Local DRRMO ang tulong.
Pinaalalahanan ni Atty. Foronda ang mga mamamayan na maging mapagmasid at alerto.
Palaging makinig sa radyo at alamin ang pinakahuling balita hinggil sa kalagayan ng panahon.
Makinig at sumunod din sa mga anunsyo ng mga Local DRRM officer dahil ang kanilang layunin ay makapagligtas ng buhay.
Samantala, pinag-iingat ni Gov.Rodito Albano ang mga mamamayan kaugnay ng bagyong Florita.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na pinababantayan niya ang mga ilog dahil sa maaaring pagtaas ng water level kung malakas ang ulan na dala ng bagyo.
Nasa pagpapasya na ng mga guro at mayor kung sususpindihin ang klase ng mga mag-aaral.
Ipinaalala ni Gov. Albano na bawal ang uminom ng alak dahil sa ordinansa na nagbabawal ang pagbebenta, pagbili at pag-inom ng alak kapag may bagyo.










