--Ads--

Isang symbolic statement lamang umano ang pag-atas ng Korte Suprema sa Kongreso na tuparin ang mandato ng 1987 Constitution at magpasa ng batas laban sa political dynasties, matapos ang 39 taong pagkaantala sa pagsasabatas ng kaukulang enabling law.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutional Law expert, political analyst at Senior Research Fellow in Policy Studies, sinabi niyang walang kapangyarihan ang Korte Suprema na pilitin ang Kongreso na kumilos at maisabatas ang Anti-Political Dynasty Law dahil co-equal branch nito ang lehislatura.

Aniya, political question ang usapin at nasa Kongreso ang responsibilidad na tugunan ito, bagama’t umaasa siyang pakikinggan at tutugunan ito ng mga mambabatas.

Gayunman, sinabi niyang positibo na naglabas ng naturang pahayag ang Korte Suprema dahil sa 39 taong delay o inaction ng Kongreso, na maaari umanong umabot sa punto ng grave abuse of discretion.

--Ads--

Kung may integridad aniya ang mga mambabatas, dapat nilang tanggapin ang pahayag ng Korte Suprema bilang isang direktibang kailangang tugunan. Ngunit batay aniya sa mga nangyayari ngayon sa Kongreso, tila may mga usapin na tungkol sa integridad ng mga mambabatas.

Giit ni Yusingco, marami sa mga mambabatas ay kabilang sa political dynasties kaya mahirap umasa na susuportahan ng mga ito ang isang batas na tunay na magbabawal sa political dynasties.

Posible rin aniya na gamitin ng ilang mambabatas ang pahayag ng Korte Suprema bilang dahilan upang ipasa ang tinatawag niyang “pekeng Anti-Political Dynasty Law” na ipinanukala nina House Speaker Bojie Dy III at Rep. Sandro Marcos na kasalukuyang nakabinbin sa Kamara.

Ayon kay Yusingco, nakakabahala at nakalulungkot ang ganitong hakbang dahil may mga probisyon umano ang naturang panukala na maaaring pumabor o mag-legitimize sa patuloy na pamamayani ng political dynasties.

Payo niya sa publiko, dapat bantayan at suriing mabuti ang mga panukalang batas tungkol sa political dynasties, lalo na ang mga probisyong maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa sistema ng pamahalaan at sa mga mamamayan.