--Ads--

CAUAYAN CITY – Ginawaran ng natatanging parangal bilang Best Junior Police Non-Commissioned Officer for Operations – Nationwide si PSSgt. Arnel Abenoja, personnel ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company, Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa selebrasyon ng 121st Police Service Anniversary sa PNP National Headquarters, Camp Rafael Crame, Quezon City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Abenoja, sinabi niya na nagagalak siya sa kanyang natanggap na parangal lalo na at nakaharap din niya si Pangulong Bongbong Marcos na siya mismong nagbigay ng parangal sa kanya.

Aniya, ito ang kanyang unang parangal na natanggap at sa national level pa kaya sobra ang kanyang saya.

Ayon kay PSSgt. Abenoja, siya ang napili ng IPPO sa isinagawang screening at interview saka isinumite ang kanilang accomplishments.

--Ads--

Maaaring siya ang napili ng IPPO na nararapat sa parangal kaya ipinadala siya sa Region at nagkaroon muli ng screening at siya rin ang napili.

Matapos nito ay ipinadala na sila sa national level pangunahin na sa National Headquarters ng PNP at Top 5 na lamang ang natira.

Sa bandang huli ay siya ang pinarangalan bilang Best Junior Police Non-Commissioned Officer for Operations – Nationwide.

Ayon kay PSSgt. Abenoja, hindi nila alam na may ganitong parangal at sa loob ng halos 13 taon niya sa serbisyo ay ginawa lang naman niya ang kanyang tungkulin nang walang iniisip na kapalit.

Dahil sa kanyang natanggap na parangal ay tiniyak ni PSSgt. Abenoja na pagbubutihin pa niya ang kanyang serbisyo.

Tinig ni PSSgt. Arnel Abenoja.