tinatayang aabot sa 50,000 pesos ang halaga ng pinsalang iniwan ng sunog na tumupok sa isang residential house sa Purok 6, Sampaloc, Cabatuan, Isabela kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay F01 Vince Ignacio, Investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cabatuan, sinabi niyang nakatanggap sila ng tawag pasado alas-11 ng umaga at agad na rumesponde ang kanilang hanay. Idineklarang fire out ang sunog bandang 12:40 ng tanghali.
Ayon kay Ignacio, gawa sa light materials ang bahay, partikular na ang bubong at haligi, na ginamitan ng kugon at kahoy. Wala namang naitalang nasaktan o naiwang tao sa loob ng nasunog na bahay.
Inanunsyo ng BFP na ang bahay ay idineklarang totally damaged, at patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog. Nauna nang sinabi ni Ginoong Eduardo Gille, ama ng may-ari, na naabutan niyang nagliliyab ang isang kable ng kuryente na nakasabit sa kisame ng bahay na gawa sa kugon.











