--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang pitong sakay ng isang 6×6 truck na galing sa Disulap, San Mariano, Isabela nang bumaliktad ang sasakyan sa daan na bahagi ng barangay Minanga kahapon.

Ang mga pasahero ay sina Rex Clemente, Hannalyn Campos, Juvilyn Macahilig, Omer Pascua, at dalawang bata na lalaki at babae na edad walo at siyam habang ang tsuper ng truck ay si Joseph Duldulao, 34-anyos at lahat ay residente ng Disulap, San Mariano, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PSMS Jonimar Baingan, tagasiyasat ng San Mariano Police Station na batay sa driver ng sasakyan ay karga ng saku-sakong mais ang 6×6 truck.

Magbebenta ang mga sakay nito sa bayan subalit pagdating sa palikong daan sa barangay Minanga ay pumuslit ang preno ng sasakyan dahilan para bumaliktad ito at nasugatan ang ilan sa sakay nito habang wala namang nagtamo ng malalang sugat.

--Ads--

Dahil kamag-anak ng mga pasahero ang driver ay nagpasya silang hindi na magsasampa ng kaso at sasagutin na lamang nito ang gastusin sa ospital.

Ang mga nahulog na mais sa daan ay naibenta na rin kahapon.