CAUAYAN CITY – May sinusundan nang lead ang PNP Carranglan sa pagpatay sa maglive-in partner sa loob ng bus sa barangay Minuli, Carranglan noong ikalabinlima ng Nobyembre.
Ang mga biktima ay sina Gloria Mendoza Atilano na residente ng Sta. Luciana, Cauayan City at live in partner nitong si Arman Bautista na tubong Koronodal, South Cotabato.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Rey Ian Agliam, hepe ng Carranglan Police Station na patuloy ang kanilang backtracking at nirereview ang mga kuha ng CCTV gayundin ang CCTV ng bus na sinakyan ng mga biktima.
Ang investigation team nila sa Cauayan City ay patuloy pa ring nangangalap ng impormasyon at na-interview na nila ang anak, dating asawa ng babaeng biktima gayundin ang katulong nito na naghatid sa kanila kung saan sila sumakay ng bus.
Bukod sa kanila ay nag-interview din sila ng iba pang kamag-anak ni Atilano.
Ayon kay PMaj. Agliam, hidwaan sa pamilya ng babaeng biktima ang nakikita nilang anggulo ngayon at nakatuon ang kanilang pansin sa isinampang kaso ng biktima sa kanyang anak.
Aniya, wala na silang ibang nakikitang ibang anggulo sa ngayon gayunman ay nangangalap pa rin sila ng ebidensya para masabing mayroon na silang person of interest.
Napag-alaman din sa isinasagawa nilang pagsisiyasat na tutol ang anak ng babaeng biktima sa relasyon nila ng kanyang live-in partner.
Sa dating asawa naman ng babae ay matagal na silang legally separated at wala na umano silang pakialam sa isa’t isa.
Kaugnay naman sa dalawang suspek sa pamamaril ay may mga nagpapadala sa kanila ng larawan na may kahawig ang dalawa na patuloy din nilang iniimbestigahan.
Batay sa kanilang assessment ay mga hired killer ang dalawang gunmen.
Aniya, pagkababa ng dalawa sa bus ay dumaan sila sa ilog at umakyat sa bundok.
Tiniyak ni PMaj. Agliam na gagawin nila ang lahat para makamit ang hustisya para sa mga biktima.










