Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na impormasyon na magkakaroon ng nationwide gun ban kaugnay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27.
Sa inilabas na pahayag ng PNP, nilinaw nito na walang ipinatutupad na gun ban sa buong bansa para sa naturang okasyon.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., wala umanong inilabas na direktiba ang pambansang pulisya para sa pagpapatupad ng nationwide gun ban kaugnay ng SONA, bagamat nananatiling umiiral ang mga umiiral na batas, lokal na ordinansa, at mga itinakdang security protocol.
Gayunman, bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa SONA, mahigpit na ipatutupad ng mga awtoridad ang pagbabawal sa pagdadala ng mga baril at iba pang deadly weapons sa mga itinalagang security areas at iba pang sensitibong lugar.
Kaugnay nito, hinikayat ni Nartatez ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa opisyal na communication channels ng PNP at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan.
Tiniyak naman ng PNP Chief na nananatiling nakatuon ang pambansang pulisya sa pagpapanatili ng kaligtasan, kaayusan, at kapayapaan sa pagsasagawa ng ikalimang Ulat sa Bayan ng Pangulo, kasabay ng paggalang sa mga karapatan ng mamamayan.










