Pinaigting ng mga awtoridad ang police presence sa mga lugar na may inuman, kung saan partikular na tinututukan ang mga kabataang umiinom bilang bahagi ng hakbang upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay PLT Stephen Carandang, ang Operation Officer ng Police Station 4, sinabi nito na nananatiling normal at tahimik ang peace and order situation sa kanilang nasasakupan.
Wala na umanong naitalang kahalintulad na insidente matapos ang naunang kaguluhan na kinasangkutan ng ilang kabataan.
Aniya, bilang preventive measure, pinalakas ang police visibility at regular na pagpapatrolya, lalo na sa mga oras ng gabi kung kailan mas aktibo ang mga nagtitipon at umiinom.
Layunin ng hakbang na maagapan ang anumang posibleng tensyon bago pa ito mauwi sa kaguluhan.
Patuloy din ang koordinasyon ng pulisya sa mga opisyal ng barangay upang mas mapabilis ang pagresponde sa anumang ulat mula sa komunidad.
Kasabay nito, nanawagan ang mga awtoridad sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at paalalahanan ang mga ito na umiwas sa mga sitwasyong maaaring magdulot ng gulo.
Tiniyak naman ng kapulisan na magpapatuloy ang pinaigting na police presence sa mga lugar na may inuman upang mapanatili ang seguridad sa lungsod.











