--Ads--

Naka-full alert status din ang Santiago City Police Office o SCPO ngayong Semana Santa bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero at turista.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Saturnino Soriano, hepe ng Community Affairs and Development ng SCPO, sinabi niya na mas maraming police personnel ang idineploy sa mga strategic areas sa lungsod tulad ng mga terminal, simbahan, ilog, sapa, resort, at iba pang mga lugar na dinarayo ng publiko.

Ayon sa kanya, bago pa man magsimula ang Holy Week ay nagpatupad na sila ng karagdagang deployment upang masigurong may sapat na presensya ng pulisya sa mga matataong lugar, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga motorista at biyahero.

Bukod dito, nagsagawa rin ang SCPO ng mas pinaigting na police visibility, foot at mobile patrols, at checkpoint operations upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang krimen.

--Ads--

Nakikipag-ugnayan din ang SCPO sa iba pang ahensya tulad ng traffic management at disaster response units upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente o emergency.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko na maging mapagmatyag, sumunod sa batas trapiko, at agad i-report sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatiling ligtas ang paggunita ng Semana Santa.