Muling kinondena ni Pope Leo ang death penalty dahil sa paglabag nito sa kabanalan ng buhay at dignidad ng tao, ilang araw matapos ihayag ng Pentagon ang planong i-live-stream ang pagbitay sa isang dating sundalo na pumatay ng 13 katao sa Fort Hood military base noong 2009.
Sa pahayag sa social media kaugnay ng World Day Against the Death Penalty, sinabi ni Pope Leo na maaaring mapangalagaan ang publiko at maipatupad ang katarungan nang hindi gumagamit ng parusang kamatayan.
Nakatakdang bitayin sa pamamagitan ng firing squad si Nidal Hasan, isang dating Army psychiatrist. Kung matutuloy, ito ang unang firing squad execution ng militar ng US mula noong 1945.
Umani naman ng pagtutol ang planong live-stream mula sa ilang mambabatas, lider ng relihiyon at international observers. Hindi pa nagdedesisyon si US President Donald Trump kung papayagan ang live broadcast, habang sinabi ni Vice President JD Vance na hindi niya ito panonoorin sakaling matuloy ang plano.
Lalong tumindi ang debate sa US hinggil sa death penalty matapos pumalpak ang lethal injection sa isang babae sa Tennessee noong nakaraang linggo.











