Maigting na binabantayan ng Pubic Order and Safety Division (POSD) ang mga pangunahing lugar na dadagsain ng mga tao ngayong Valentine’s day o araw ng mga puso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na batay sa kanilang monitoring, kahapon pa lamang ay dinumog na ng mga tao ang mga bentahan ng bulaklak, restaurants at mga Hotels sa Lungsod.
Katuwang ang ilang mga unit ng Pulisya ay mahigpit nilang binabantayan ang mga pangunahing kalsada at mga restobar upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente na maaaring maitala.
Bagaman hindi maiiwasan ang pagdagsa ng mga sasakyan sa Lungsod ngayong araw ay pinayuhan pa rin niya na sumunod sa panuntunan hinggil sa tamang pag-park ng sasakyan upang maiwasan ang obstruction sa daan na maaaring magdulot ng pagsikip ng daloy ng trapiko.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na mag-ingat, maging alerto at tiyakin ang kaligtasan ng bawat isa ngayong araw ng mga puso.











