Muling nagpaalala ang Public Order and Safety Division (POSD) sa mga motorista na huwag piliting magmaneho kung inaantok o nakainom ng alak upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Ang paalala ay kasunod ng naganap na aksidente sa Minante 2, Cauayan City na ikinasawi ng dalawang indibidwal at ikinasugat ng isa pa matapos sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa isang nakaparadang trailer truck.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na maraming bumabatikos sa driver ng trailer truck dahil nakaparada ito sa gilid ng kalsada nang mangyari ang insidente.
Gayunman, ipinaliwanag niya na may karapatan ang driver na huminto at magpahinga kung hindi na nito kayang magpatuloy sa pagmamaneho dahil sa antok, lalo na kung nakapaglagay naman ito ng early warning device bilang paalala sa mga paparating na sasakyan.
Ayon kay Mallillin, maluwag ang kalsada sa oras na naganap ang aksidente, dakong alas-3 ng madaling araw, kaya’t hindi aniya dapat naging hadlang ang nakaparadang truck sa ligtas na pagdaan ng ibang sasakyan.
Sinabi pa niya na may umiiral na ordinansa na nagbabawal sa pagpaparada ng mga truck sa gilid ng kalsada, subalit may mga pagkakataong hindi ito maiiwasan, lalo na kung kinakailangang magpahinga ng driver matapos ang mahabang biyahe upang maiwasan ang mas malalang aksidente.
Binigyang-diin ni Mallillin na mas mahalaga pa rin ang kaligtasan ng motorista at ng iba pang gumagamit ng kalsada kaysa ipilit ang pagmamaneho sa kabila ng pagod o antok.
Samantala, inihayag din niya na may mga nahuhuli pa ring motorista na nagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak, partikular tuwing gabi.
Dahil dito, muling hinikayat ng POSD ang publiko na maging responsable sa pagmamaneho at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang katawan bago bumiyahe upang maiwasan ang disgrasya.











