Nilinaw ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City ang pagpapatupad ng mga patakaran kaugnay ng loading and unloading at no parking zones sa mga paaralan kasabay ng pagpapatuloy ng one-way traffic scheme sa ilang bahagi ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpaparada ng mga sasakyan sa tapat at maging sa mga lugar na malapit sa mga paaralan upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Aniya, pinapayagan lamang ang mabilisang pagsakay at pagbaba ng mga estudyante sa mga itinalagang loading at unloading areas, ngunit hindi maaaring iwanan ng mga driver ang kanilang sasakyan dahil maituturing na itong paglabag sa no parking policy.
Ipinaliwanag din ni Mallillin na ang mga inilalagay na signage gaya ng “No Parking” at “No Loading and Unloading” ay bahagi ng pagpapatupad ng umiiral na mga ordinansa at traffic regulations ng lungsod, partikular sa mga lugar na may mataas na bilang ng mga sasakyan at pedestrian.
Samantala, binigyang-diin ng opisyal ang positibong epekto ng one-way traffic scheme na ipinatutupad sa ilang bahagi ng Cauayan City. Aniya, bago ito ipatupad ay madalas makatanggap ng reklamo ang kanilang tanggapan mula sa mga motorista at tricycle drivers kaugnay ng matinding trapiko, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga paaralan.
Gayunman, batay sa kanilang monitoring, malaki umano ang naitulong ng one-way traffic scheme sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko at pagbabawas ng pagsisiksikan ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan. Dahil dito, mas mabilis na rin ang paggalaw ng mga motorista sa mga apektadong lugar.
Aminado naman si Mallillin na may ilan pa ring motorista ang hindi sumusunod sa itinakdang direksyon ng kalsada at nagtatangkang mag-counterflow o lumabag sa one-way scheme. Gayunman, sinabi nitong patuloy ang kanilang pagbabantay at pagpapatupad ng mga kaukulang parusa laban sa mga mahuhuling lalabag sa mga patakaran.
Patuloy namang hinihikayat ng POSD ang publiko na sumunod sa mga traffic signs at regulasyon ng lungsod upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan at maayos na daloy ng trapiko sa Cauayan City.










