--Ads--

CAUAYAN CITY- Pinag-iingat ng pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD ang mga magtutungo sa sementeryo ngayong araw at sa mga susunod pang mga araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na maraming mapagsamantala at masasama ang loob na nag-aantay lang ng pagkakataon upang isakatuparan ang kanilang masamang balak.

Marami na aniya ang mga pangyayari sa mga nakaraang undas na kung alam ng mga kawatan na walang naiiwan sa mga kabahayan ay sinasamantala nilang pasukin ang mga bahay at isinasagawa ang masama nilang balak.

Payo din niya sa mga magtutungo sa mga sementeryo na tingnan ng maigi at ingatan ang mga mamahaling gamit gaya ng cellphone at alahas gayundin ang mga perang dala nila.

--Ads--

Marami aniya ang ipapakalat sa mga sementeryo at mga kalsada na miyembro ng PNP, HPG, BFP, CDDRRMO, at POSD pero mas mainam pa rin na doblehin ang pag-iingat upang makaiwas sa anumang karahasan.

Pinapaalala din ni POSD Chief Mallillin na mahigpit na ipapatupad ang pagsusuot ng facemask at pagsita sa mga vaccination card para sa mga magtutungo sa sementeryo.

Ang mga bata namang edad labindalawa pababa ay kailangan ding magpakita ng vaccination card at dapat ay may guardian sa pagpasok sa sementeryo.

Wala na rin aniyang rerouting dahil maluwang naman ang mga kalsada kung saan papasok at papalabas sa mga pampublikong sementeryo.

Nilinaw naman ni POSD Chief Mallillin na hindi nila hawak ang mga alituntunin sa mga pribadong himlayan sa lunsod subalit tiniyak niya na may mga tauhan silang nakapwesto sa mga sementeryo.

Nakiusap naman siya na kung may sakit o may karamdaman ay mas mabuting huwag na lamang pumunta sa sementeryo at pupunta na lang kapag nasa maayos na ang sitwasyon at kalagayan para makaiwas sa anumang uri ng kapahamakan.