--Ads--

CAUAYAN CITY –  Ipinarating ni Governor Rodito Albano ang labis na kalungkutan at pakikiramay sa pamilya ng apat na namatay sa pagbagsak at pagliyab kagabi ng isang Huey Helicopter ng Philippine Airforce (PAF) sa compound ng kanilang Air Station sa San Fermin, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na magkakaloob ang pamahalaang panlalawigan ng financial assistance at plaque of recognition sa mga namatay na dalawang piloto, isang crew at isang backride ng chopper na hindi pa kinilala ang pangalan.

Sinabi ni Gov. Albano na matapos niyang malaman ang balita ay nagulat at nalungkot siya dahil may sarili rin siyang chopper na palagi niyang ginagamit.

Hindi nagdulot ng takot kay Gov. Albano ang chopper crash sa pagsakay ng kanyang helikopter sa pagsasabing kung darating na ang oras niya ay wala siyang magagawa dahil lahat naman ng tao ay namamatay.

--Ads--

Ang kailangan lamang ay mag-ingat para maiwasan ang hindi magandang pangyayari.

Sinabi pa ni Gov. Albano na kailangan nang i-monetize ang mga luma nang sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force dahil dito minsan isinasakay ang mga pulitiko.

Ang pahayag ni Gov. Rodito Albano

Samantala, ang helikopter na may tail number 8308 ay ang mismong chopper na sinakyan ni Bombo Maia Jacob kasama ang ilang kagawad ng media  nang isagawa noong July 5, 2019 ang  aerial view bilang bahagi ng regular maintenance activity ng 205th Tactical Helicopter Wing ng Philippine Air Force.