--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinagmamalaki  ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang atletang pulis na nakapag-uwi ng mga gold, silver at bronze medals sa ginanap na World Police and Fire Games 2022 sa Rotterdam, Netherlands.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCol. Ranser Evasco, Provincial Director ng NVPPO na tubong City of Ilagan si PCpl. Edward Barrera na nakatalaga sa NVPPO.

Plano nilang bigyan ng pagkilala at gantimpala si PCpl. Barrera dahil ibinandera niya ang kanilang hanay na humakot ng mga medalya sa  Taekwondo kabilang ang Gold sa Poomsae Team 18+, Silver sa Poomsae Pair 18+, Silver sa Poomsae Individual Class A 18+ at Bronze sa Kyorugi +68-80 kg 18+.

Bago naging pulis si Corporal Barrera ay nakahiligan na nito ang sports na Teakwondo at patunay dito ang mga tropeo at medalyang napanalunan noong nasa kolehiyo.

--Ads--

Aktibo pa siya sa pagtuturo ng mga basic self defense sa kanyang kapwa pulis na balak nilang palawigin sa kanilang Provincial Police Office.

Mabait, disiplinado at palangiting pulis si PCpl. Barrera na nagsisilbing  ehemplo sa mga kapwa pulis na nasa serbisyo at inilalaan ang kanyang free time sa mga makabukuhang bagay.

Tinig ni PCol. Ranser Evasco.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpl. Edward Barrera, kasapi ng Bayombong Police Station at kabilang sa pambato ng bansa sa ginanap na World Police and Fire Games, sinabi niya na matapos niyang malaman noong buwan ng Pebrero na kabilang siya sa sasabak sa nasabing kompetisyon ay agad na siyang nagsanay upang makapaghanda hanggang magkaroon na sila ng inhouse training sa Camp Crame at dito siya nagsanay ng isang buwan.

Sa taekwondo lamang ay nasa 13 players ng bansa na ang sumabak sa kompetisyon.

Ayon kay Pcpl. Barrera sobrang saya niya dahil ito ang una niyang pagsabak sa kompetisyon at unang out of the country din niyang sinalihan at nag-uwi pa siya ng mga medalya.

Mahilig siya sa Taekwondo at sumasali na siya sa mga kompetisyon hanggang sa nag-aral bilang pulis at nagamit niya ang kanyang galing sa martial arts.

Matapos ang kompetisyon ay magkocourtesy call sila sa kanilang mga department heads at babalik na rin siya sa Camp Crame upang magsilbi bilang instructor ng Summer Sports Clinic para sa mga anak ng mga pulis o kanilang mga dependents.

Hinimok naman ni PCpl. Barrera ang mga kabataan na sundin kung ano ang kanilang passion sa kahit anong field sports man o sa academics at linangin ito para sa kanilang ikabubuti.

Tinig ni PCpl. Edward Barrera.