--Ads--

CAUAYAN CITY – Magdedeploy ang pamunuan ng Regional Highway Patrol Unit 2 ng kanilang mga personnel para sa nalalapit na halalan at magtutuluy-tuloy ito hanggang sa paggunita ng Undas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Ma. Delia Pedrezuela, ang Assistant Regional Chief ng Regional Highway Patrol Unit 2 sinabi niya na hinati-hati nila ang kanilang personnel sa ilang lalawigan sa lambak ng Cagayan upang magbantay sa dalawang malaking aktibidad sa huling bahagi ng Oktubre at unang bahagi ng Nobyembre.

Pangunahing idedeploy ng HPU 2 ang mga personnel sa mga pangunahing lansangan at sa mga malalaking sementeryo at pribadong sementeryo dahil inaasahan na ang pagdagsa ng maraming tao upang bumisita sa kanilang namayapang mahal sa buhay.

Ang deployment ng mga personnel ay hanggang matapos na ang Undas para mabantayan maging ang pag-uwi ng mga byahero.

--Ads--

Kasalukuyan na rin ang kanilang dry run upang makita kung gaano kadami ang motorista para sa kanilang paghahanda sa deployment.

Idedeploy ang kanilang mobile patrol sa mga malalaking sementeryo habang ang kanilang motorcycle patrol ay sa mga pribadong sementeryo.

Aniya flexible ang kanilang deployment dahil ang mga personnel ay maaring lumipat kung saan nagkakaroon ng pagsikip ng daloy ng trapiko.

Isa sa pinaghahandaan nila ngayon ang pagdating ng mga byahero mula sa Maynila tulad sa mga pangunahing lansangan sa St. Fe Nueva Vizcaya kung saan kritikal sa mga aksidente.

Muli namang nagpaalala si PLtCol. Pedrezuela sa mga motorista na iwasan na ang pag inom ng alak kung magmamaneho dahil ito ang nagdudulot ng aksidente.

Isa rin sa pangunahing tututukan ng HPU 2 ang mga nangyayaring nakawan ng sasakyan o carnapping sa mga matataong lugar dahil sa mga panahong ito sumasalakay ang mga masasamang loob.

Hiniling naman niya ang kooperasyon ng publiko upang magiging matiwasay ang halalan at Undas na magkasunod na pagkakaabalahan ngayon ng Highway Patrol Group at iba pang ahensya ng pamahalaan.