--Ads--

Isasagawa ngayong araw sa lungsod ng Ilagan ang Regional Kick Off ng Fire Prevention Month.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Senior Superintendent Atty. Archie Rosario Andumang, ang Provincial Fire Marshall ng BFP Isabela, sinabi niya na marami silang inihandang aktibidad ngayong buwan ng Marso kaugnay sa Fire Prevention Month.

Umpisa nito ngayong araw kung saan isasagawa ang kick off ng Fire Prevention Month 2025 sa lungsod ng Ilagan pangunahin sa City Sports Complex kung saan buong Region 2 ang dadalo.

Isasagawa naman dito ang Regional Fire Olympics kung saan magtatagisan ng talino at bilis ang mga kababaihang bumbero mula sa ibat-ibang lalawigan sa rehiyon bilang selebrasyon ng Women’s Month.

--Ads--

Maliban dito ay ilang mga pa-contest din ang isasagawa ng bawat tanggapan ng BFP.

Isasagawa naman sa isang malaking mall sa lungsod ng Cauayan ang pagpapatayo ng isang bahay na maaring pasukin ng mga bata at malaman ang mga bagay na kadalasang sanhi ng sunog.

Magsasagawa rin sila ng Fire Square Road Show na gaganapin naman sa isang mall sa Santiago City na pagpapakita naman sa mga kabataan sa mga karaniwang ginagawa ng mga bumbero kapag may nangyayaring sunog.

Inanyayahan naman niya ang publiko na dumalo, makisaya at manood ng mga programa ng BFP sa Ilagan City Sports Complex ngayong araw para sa Regional Kick Off ng Fire Prevention Month.