
Ginanap sa Cauayan City National High School ang Regional Robotics Training Workshops na layuning bigyan ng pagsasanay ang mga guro at ilang opisyal mula sa Deped Region 2 ukol sa paggamit ng mga robot sa pagtuturo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Tess Bermudez, Director ng Creotec Philippines na panahon na upang maging bukas ang edukasyon sa pagtuturo gamit ang robotics.
Aniya, malaking tulong ang mga robot sa pag-aaral ng science, math at research lalo na sa mga estudyanteng kumukuha ng Science Technology Research Engineering Arts and Math o STREAM.
Puwede ring magamit ang teknolohiya sa iba pang paraan tulad ng agriculture at food industry.
Ayon pa kay Dr. Bermudez, kailangan ng maging bukas ang ikalawang Rehiyon sa mga posibilidad na maaaring ibigay ng robotics sa pagpapalawig sa kalidad ng edukasyon.
Umaasa rin silang makakahanap sila ng mga estudyanteng may kakayahan o talento sa robotics na maari nilang idevelop ang mga gagawin nilang mga prototype.
Matagal na umanong ginagamit ang robotics ng ibang mga bansa tulad ng Japan at Singapore kaya napapanahon na rin upang magamit ito ng mga mag-aaral sa Pilipinas.
Mas kawili-wili rin aniya ang pagkatuto ng mga estudyante kung gagamitan ng robotics ang pagtuturo.
Umaasa silang magiging magandang simula ito upang tuluyang madala ang mga robot sa loob ng eskwelahan.










