--Ads--

CAUAYAN CITY – Inamin ng Reina Mercedes Water District na alam nilang hindi maganda ang tubig na nanggagaling sa isa nilang pumping station subalit pinabulaanan nila na laging iba ang kulay ng tubig.

Magugunitang inireklamo ng ilang residente sa naturang bayan ang kanilang water district dahil sa marumi at kulay kalawang na tubig mula sa kanilang gripo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni General Manager Jerome Husue  ng Reina Mercedes Water District na galing ang tubig na inirereklamo ng mga residente sa isa nilang pumping station na proyekto ng local government unit o LGU Reina Mercedes.

Ipinasakamay ito sa kanila at alam naman nila na hindi maganda ang tubig nito pero sa isinagawa nilang pagsusuri ay lumabas na ligtas naman ang tubig at ang kulay lang ang bumagsak.

--Ads--

Aniya, ang kulay kalawang ng tubig ay nanggagaling sa water table sa baba at mahirap itong solusyunan gayunman ay humingi na sila ng tulong sa Department of Science and Technology o DOST.

Pinabulaanan naman ni General Manager Husue na hindi sa lahat ng pagkakataon ay ganoon ang klase ng tubig ng naturang pumping station dahil kadalasan ay nangyayari lamang ito tuwing gabi.

Samantala, sa isinagawa nilang pagpupulong kasama ang kanilang punong bayan ay pinayuhan sila na huwag munang i-operate ang naturang pumping station kaya pinapayuhan nila ang mga residente na posibleng maapektuhan na mag-imbak ng tubig.

Posible naman aniyang magsagawa sila ng filtration sa naturang pumping station para masolusyunan ang naturang problema.

Humingi rin sila ng paumanhin sa mga consumers nila na naapektuhan at hiniling na tulungan sila para mapabuti pa ang kanilang srebisyo.