
CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi sa banggaan ng motorsiklo at pampasaherong bus sa pambansang lansangan sa barangay Liwanag, Tumauini, Isabela.
Ang biktima ay ang tsuper ng motorsiklo na si Raymundo Forto, dalawamput walong taong gulang, binata, vendor at residente ng Sisim Alto, Tumauini, Isabela.
Ang tsuper naman EMC Bus ay si Philambrichirus Songcuan, tatlumput walong taong gulang, may asawa at residente ng Tres Reyes, Saguday, Quirino.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan patungo sa timog na direksyon ang motorsiklo habang patungo sa kasalungat na direksyon ang pampasaherong bus.
Umagaw umano ng linya ang bus na naging dahilan ng banggaan at nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima.
Sinubukan pa siyang itakbo sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Wala namang tinamong sugat ang tsuper ng bus maging ang mga sakay nitong pasahero.
Dinala naman ang tsuper ng bus sa himpilan ng pulisya at siya ay mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.










