Nagtamo ng sugat ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang pickup truck sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Minante 2, Cauayan City, Isabela.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa mga sangkot, patungo umano sa pa-norteng direksyon ang motorsiklo na minamaneho ni John Lloyd Corpuz ng San Antonio, Cauayan City habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang pickup truck.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, akmang papasok ang Pickup sa BFP/AFP housing nang salpukin ito ng paparating na motorsiklo na nasa outer lane ng kalsada.
Agad namang rumespode ang kasapi ng Rescue 922 para malapatan ng lunas ang mga sugat na tinamo ng tsuper ng motorsiklo.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station hinggil sa naturang pangayayari.