--Ads--

Umaabot sa tatlumpo ang bilang ng mga sasakyang natitiketan ng Public Order and Safety Division (POSD) dahil sa illegal parking sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ng Cauayan.

Sa panayam kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na sa mga nagdaang araw ay nasa 20 hanggang 30 sasakyan kada araw ang kanilang nahuhuli dahil sa pagpaparada sa gilid ng kalsada, sidewalk, at maging sa harapan ng mga establisimyento sa poblacion area.

Ayon kay Mallillin, araw-araw nilang iniikot at sinusuyod ang lahat ng pangunahing lansangan sa poblacion upang maipatupad nang maayos ang road clearing operations at masuportahan ang programa ng road widening ng lokal na pamahalaan. Gayunman, marami pa rin aniyang motorista ang patuloy na lumalabag sa kabila ng paalala at babala ng kanilang tanggapan.

Dahil dito, tiniyak ng POSD na lalo pa nilang paiigtingin ang operasyon laban sa illegal parking upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko at maiwasan ang abala sa mga motorista at pedestrian. Patuloy din ang kanilang pagpapatupad ng wheel clamping, lalo na sa mga sasakyang matagal na nakaparada sa mga ipinagbabawal na lugar at nagiging sanhi ng obstruction sa daloy ng sasakyan.

--Ads--

Ipinaliwanag ng opisyal na ang pag-clamp ay hindi lamang pagpapataw ng parusa kundi paraan din upang maturuan ng leksyon ang mga pasaway na motorista.

Nanawagan naman si Mallillin sa publiko na tiyaking may sariling parking space bago bumili ng sasakyan at iwasan ang pagpaparada sa gilid ng kalsada, kahit pa ito ay nasa tapat ng kanilang bahay o negosyo.

Binigyang babala rin niya ang ilang tricycle drivers na sumusunod lamang sa batas trapiko kapag may nakabantay na enforcer. Aniya, kinakailangan ang disiplina at kusang pagsunod sa regulasyon upang mapanatili ang maayos, ligtas, at mapayapang komunidad sa lungsod ng Cauayan.