Pinalalakas ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Santiago City ang mga hakbang nito sa road safety sa pamamagitan ng sariling paggawa ng reflectorized traffic signages na ilalagay sa mga pangunahing lansangan at iba pang kritikal na kalsada sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Modesto Cabanos III, sinabi niyang bumuo ang kanilang tanggapan ng isang fabrication team na binubuo ng mga bihasang traffic enforcers upang gumawa ng de-kalidad at pangmatagalang traffic signages para sa lungsod.
Ayon kay Cabanos, layunin ng programa na mapalitan ang mga lumang tarpaulin signages ng mas matibay at reflectorized na mga palatandaan na mas madaling makita ng mga motorista, lalo na sa gabi at sa mga lugar na may mabilis na daloy ng trapiko.
Aniya, bukod sa pagpapahusay ng kaligtasan sa kalsada, nakatutulong din ang sariling paggawa ng mga traffic signages sa mas episyenteng paggamit ng pondo ng pamahalaang lungsod dahil hindi na gaanong umaasa sa mga panlabas na supplier para sa mga kinakailangang traffic signs.
Dagdag pa niya, mas napapabilis din ang paggawa at paglalagay ng mga traffic signages sa mga lugar na nangangailangan ng agarang aksyon, kabilang ang mga diversion roads at bypass roads kung saan mahalagang malinaw na naipapabatid sa mga motorista ang mga regulasyon at babala sa kalsada.
Home Local News
Santiago City DPOS gumagawa ng sariling reflectorized traffic signages para sa road safety
--Ads--










