Mahigpit nang ipinatutupad ng mga Awtoridad ang malawakang road clearing operations laban sa mga paninda at iba pang obstruction na nakasasagabal sa mga kalsada at sidewalk bilang bahagi ng kampanya ng Santiago City para sa mas maayos na daloy ng trapiko at ligtas na paggamit ng mga pampublikong daanan.
Ayon kay Ginoong Modesto Cabanos III, Hepe ng Department of Public Order and Safety (DPOS) Santiago City, sinabi nito agad na pinatatanggal ng kanilang mga tauhan ang mga panindang nakaharang sa mga sidewalk at lansangan sa oras na madiskubre ang mga ito sa operasyon.
Binigyang-diin ni Cabanos na ang mga sidewalk ay nakalaan para sa mga pedestrian at hindi dapat ginagamit bilang puwesto ng negosyo o lagayan ng mga paninda, dahil bukod sa paglabag sa ordinansa ay nagdudulot din ito ng pagsisikip ng trapiko at panganib sa kaligtasan ng publiko.
Sinabi rin ng opisyal na kasabay ng agarang pagtanggal sa mga obstruction ay ang pagpataw ng kaukulang multa sa mga lalabag.
Aniya, hindi na paiiralin ang paulit-ulit na pagbibigay ng babala at sa halip ay agad nang mag-iisyu ng tiket at penalty laban sa mga mahuhuling lumalabag sa mga umiiral na regulasyon ng lungsod.
Ayon pa kay Cabanos, umaabot sa humigit-kumulang isang libong piso ang multa para sa ilang paglabag, depende sa uri at bigat ng kasong naitala ng mga enforcer.
Iginiit ng mga Awtoridad na magpapatuloy ang pinaigting na road clearing operations sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang mabawi ang mga pampublikong daanan mula sa mga obstruction, mapaluwag ang daloy ng trapiko, at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga lansangan ng Santiago City.
--Ads--











