Natagpuang wala nang buhay ang isang 69-anyos na senior citizen sa loob ng isang bakanteng bahay sa Barangay Dubinan East, Santiago City.
Ang naturang biktima ay residente ng Barangay Sagana sa nasabing lungsod.
Batay sa imbestigasyon ng Police Station 2, bumisita umano ang biktima sa isang kaibigan dalawang araw bago ang insidente at nagpasyang pansamantalang manatili sa naturang bahay.
Ayon sa pulisya, nagising ang kaibigan ng biktima kinaumagahan at nadiskubre itong wala nang buhay at nakahandusay sa sahig katabi ng kama habang nakatihaya.
Agad nitong ipinaalam ang insidente sa isang tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Santiago City Public Market, na siya namang nag-ulat sa Police Station 1.
Matapos matanggap ang ulat, agad na nakipag-ugnayan ang Police Station 1 sa Police Station 2 na may hurisdiksyon sa lugar ng insidente.
Kaagad namang rumesponde ang mga awtoridad at nakipag-ugnayan sa City Forensic Unit upang magsagawa ng scene processing at paunang imbestigasyon.
Sa isinagawang pagsusuri ng City Forensic Unit, walang nakitang panlabas na sugat o anumang palatandaan ng karahasan sa katawan ng nasawi.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya habang hinihintay ang resulta ng post-mortem examination upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng biktima at malaman kung may naganap na foul play.










