--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Quezon, Isabela habang nasugatan ang anim na tao kabilang ang mayor ng naturang bayan at kanyang asawa sa naganap na karambola ng tatlong sasakyan sa kabahaan ng National Highway sa Brgy. Abut.

Sangkot sa aksidente ang isang Toyota na minaneho ni Mayor Jimmy Gamazon Jr. ng Quezon, 46-anyos kasama ang misis na si Mercy Gamazon, 44-anyos at kapwa residente ng Arellano, Quezon, Isabela.

Sangkot din sa karambola ang isang Mitsubishi Estrada na minaneho ni SB member Candido Andumang, 70-anyos, may asawa at residente ng Abut Quezon, Isabela.

Ang pangatlong sasakyan ay Toyota Fortuner na minaneho ni Meireece Ferrer, 30-anyos, self-employed at residente ng Sotero Nuesa, Roxas, Isabela kasama sina Abegail Ronquillo, 24-anyos, Romano Ronquillo, 22-anyos, estudyante at Kevin Ronquillo, 32-anyos, pawang residente ng Bantug, Roxas, Isabela.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj. Joseph Curugan, hepe ng Quezon Police Station na binabagtas ng sasakyan ni SB member Andumang ang hilagang direksyon habang nasa kasalungat o timog na direksyon ang sasakyan nina Mayor Gamazon at Ferrer.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, miscalculation ang sanhi ng nangyaring karambola ng tatlong sasakyan.

Pagewang-gewang ang sasakyan ni SB Member Andumang habang binabagtas ang lansangan na naging dahilan para mahagip nito ang minamanehong sasakyan ni Mayor Gamazon at sumalpok pa sa sasakyan ni Ferrer.

Sa lakas ng impact ay bumaliktad ang sasakyan ni SB member Andumang na nagtamo ng malalang injury sa katawan at idineklarang dead on arrival sa pagamutan ng kanyang attending physician habang ang mga nasugatan ay nagpapagaling na sa pagamutan.

Ayon kay PMajor Curugan, accident prone area ang lugar na pinangyarihan ng aksidente.

Tinig ni PMaj. Joseph Curugan.