Nagpatawag ng pagpupulong ang Schools Division Office Cauayan sa lahat ng mga coaches sa lungsod upang talakayin ang epektibong pag-eensayo ng mga atleta lalo at malapit na ang Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) meet.
Isa sa mga napag-usapan ay ang seguridad at kalusugan ng mga atleta dahil sa posibleng panganib na dulot ng heat index.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry S. Ramos, Schools Division Superintendent ng Cauayan, sinabi niya na hindi masyadong babaguhin ang pamamaraan ng training na isinagawa noong nakaraang taon dahil nakita naman nila itong epektibo.
Posibleng magkaroon lamang ng kaunting pagbabago sq training hours ng mga atletang nag-eensayo sa open field tulad na lamang ng mga athletics.
Noong nakaraang taon ay epektibo naman umano ang 4 am na pagsisimula ng training kung saan nagkaroon naman sila ng pahinga sa oras na alas 11 hanggang alas 2 ng hapon kung saan tirik ang araw.
Dagdag pa niya na kahit napakaimportante sa kanila na masungkit ang overall champion sa CAVRAA ay hindi naman nila itataya ang kapahamakan ng mga atleta.
Tanging pinangangambahan lamang aniya nila ngayon ay ang kalusugan ng mga nasa open field, ang mga nasa close door kasi aniya ay hindi kailangang pangambahan dahil mayroong sapat na bentelasyon para sa kanila.
Sa ngayon, may mga nag e-ensayo na rin umano subalit sa end of school year pa gaganapin ang in house training.