--Ads--

Binatikos ang isang sikat na coffee shop sa Pampanga matapos umanong palabasin ang isang customer na may kasamang anak na may autism spectrum disorder na kumakain ng pagkaing binili mula sa ibang tindahan.

Sa isang pahayag, sinabi ng dating Kongresista na si Carlos Isagani Zarate na nagpapakita ito ng kawalan ng malasakit sa mga taong may kapansanan, lalo na kung ang dalang pagkain ng bata ay maaaring isang “medical o therapeutic necessity” para sa may sensory processing disorder. Aniya, bagama’t may karapatan ang mga establisyemento na magpatupad ng sariling polisiya, dapat itong isagawa nang may konsiderasyon at exemption para sa persons with disability (PWD).

Nanawagan din siya sa pamunuan ng naturang coffeeshop na humingi ng paumanhin sa mag-ina at magsagawa ng mandatory sensitivity training sa kanilang mga empleyado kaugnay ng Magna Carta for Persons with Disability o Republic Act 9442. Hinimok din niya ang Department of Social Welfare and Development at National Council on Disability Affairs na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Giit pa niya, hindi dapat manaig ang mahigpit na corporate policy kung kapakanan at dignidad ng isang batang may espesyal na pangangailangan ang nakataya.

--Ads--