Nangangamba ang ilang residente at mga tsuper sa lungsod dahil sa umano’y napapadalas na kaguluhan sa ilang mga bar, lalo na tuwing gabi at madaling-araw kung kailan dagsa ang mga kostumer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Solero Silaran Jr., isang tsuper na gabi-gabing namamasada, madalas umano silang makasaksi ng mga insidente ng kaguluhan sa labas mismo ng mga bar.
Aniya, karaniwang nagsisimula ito sa mainitang pagtatalo na nauuwi sa suntukan dahil sa kalasingan ng ilang nagtutungo sa bar. May mga pagkakataon din umanong nagkakaroon ng bugbugan sa kalsada at minsan ay may mga insidenteng umaabot pa sa pananaksak.
Dahil dito, hindi lamang ang mga residente ang nababahala kundi maging ang mga tsuper na bumibiyahe sa gabi. Bukod kasi sa banta ng karahasan, posible rin itong magdulot ng aksidente sa lansangan. Kapag may nag-aaway o nagkakagulo sa gilid ng kalsada, naaabala ang daloy ng trapiko at may mga pagkakataong may mga biglaang tumatawid o humaharurot na sasakyan, bagay na maaaring magdulot ng disgrasya.
Ilan din sa mga residente ang nagpahayag ng pangamba para sa kaligtasan ng kanilang pamilya, lalo na ang mga kabataang maaaring maimpluwensyahan o madamay sa mga kaguluhan.
May mga pagkakataon umanong rinig hanggang sa mga kalapit na bahay ang sigawan at komosyon, dahilan upang maantala ang pahinga ng mga nakatira sa lugar.
Sa kabila nito, agad namang kumikilos ang mga awtoridad upang tugunan ang sitwasyon at mas pinaigting ang pagbabantay sa mga lugar na may bar at pinadalas ang pagpapatrolya ng mga pulis lalo na sa oras ng kasagsagan ng inuman.
Layunin nitong maiwasan ang anumang insidenteng maaaring magdulot ng kapahamakan at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.
Pinag-aaralan din umano ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa kaugnay ng tamang oras ng operasyon ng mga establisimyento at responsableng pagbebenta ng alak.
Paalala ng mga awtoridad sa publiko na maging responsable sa pag-inom at iwasan ang anumang uri ng gulo upang hindi na humantong sa mas malalang krimen.
Patuloy namang hinihikayat ang mga mamamayan na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang kilos o nagaganap na kaguluhan upang agad itong matugunan at hindi na lumala pa.
Sa sama-samang pagkilos ng komunidad at mga awtoridad, inaasahang maibabalik ang katahimikan at kaligtasan sa lungsod, lalo na sa dis-oras ng gabi.










