Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng lalaking biktima ng pamamaril sa Nungnungan II, Cauayan City matapos ang malagim na insidente na kumitil sa buhay nito, habang aminado naman ang kapatid ng biktima na nakakaramdam sila ng takot dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nahuhuli ang suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay May Faustino, kapatid ng biktima, sinabi niya na umaasa silang kusang susuko o tuluyan nang maaaresto ng mga awtoridad ang taong responsable sa pagkamatay ng kaniyang kapatid. Aniya, punong-puno sila ng katanungan tungkol sa nangyaring krimen kaya nais nilang mabigyan ng kasagutan ang lahat ng ito.
Dagdag pa ni Faustino, kilala umano ang kaniyang kapatid bilang isang mabait na tao kaya hindi nila lubos maisip kung bakit nagawa ito sa kaniya. Wala rin umano silang napansing anumang pahiwatig o problema ang kaniyang kuya bago nangyari ang insidente.
Dahil dito, sinabi niyang labis ang kanilang pagkabigla at pagdadalamhati sa biglaang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
Hanggang sa ngayon, ayon sa kaniya, hindi pa rin umano nila matanggap at maisip na wala na ang kaniyang kuya, habang patuloy silang umaasa na mabibigyan ng hustisya ang sinapit nito sa lalong madaling panahon.











