--Ads--

Arestado ang isang 40-anyos na tricycle driver matapos umanong masamsaman ng baril at hinihinalang shabu sa Brgy. Maligaya, Tumauini, Isabela nitong Agosto 25.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Sean,” may asawa at residente ng Brgy. District 1, Tumauini.

Sa ulat ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), nagsasagawa ng intelligence monitoring at information gathering ang mga tauhan ng Tumauini Police Station at Provincial Intelligence Unit (PIU) nang mamataan ang suspek na umano’y nagbabanta sa mga dumaraan sa kalsada.

Ayon sa pulisya, naging agresibo umano ang suspek nang lapitan siya ng mga operatiba at tangkang bumunot ng baril na nasa kanyang baywang. Agad naman siyang napigilan at naaresto.

--Ads--

Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang baril na wala umanong kaukulang dokumento. Sa isinagawang paghahalughog, narekober din ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na pinaniniwalaang naglalaman ng shabu at isang dilaw na lighter.

Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan.

Dinala ang suspek sa Tumauini Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso habang isinailalim naman sa inventory ang mga nakumpiskang ebidensiya alinsunod sa umiiral na proseso.

Ayon kay Isabela Provincial Director Col. Manuel B. Bringas, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad at mga baril na walang kaukulang dokumento upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.