Nasampahan na ng kaso ang tsuper ng dumptruck na sangkot sa aksidente sa San Felipe, Ilagan City, Isabela na ikinasawi ng 10-anyos na lalaki nitong Pebrero 4, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal, Information Officer ng Ilagan City Component Police Station, sinabi niya na batay sa kautusang inilabas ng Office of the Prosecutor, maaari pa ring makapag-lagak ng piyansa ang tsuper para sa kaniyang pansamantalang paglaya.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, habang nasa proseso ng pagliko ang tricycle na kinalululanan ng biktima patungo sa kabilang bahagi ng daan ay nabangga ito ng dumptruck na nakabuntot sa kanila.
Ayon sa mga saksi, bagaman nag-flasher ang tricycle ay nahagip pa rin ito ng dumptruck na umano’y may kabilisan ang takbo.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang pagpapaalala ng kapulisan sa mga motorista, at pakikipag-tulungan sa mga barangay officials sa pagbabantay sa mga pangunahing kalsada pangunahin sa malapit sa mga paaralan.











