--Ads--

CAUAYAN CITY – Kailangan ang tulong ng mga mental health professionals ng mga taong nakakaranas ng mental health o depression upang tuluyang gumaling at hindi mauwi sa pagpapakamatay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Psychologist Dom Agoot na kapag ang isang tao ay nagpunta sa mga mental health clinic and centers, sila ay normal na nanghihingi ng tulong tulad din ng mga taong nagpapa-check-up ng sakit.

Sinabi niya na kung ang isang tao ay hindi nakakaranas ng tamang pagtulog at nakakaramdam ng matinding kalungkutan na hindi naman alam kung bakit at kung anong dahilan ay nakakaranas ng depression.

Kailangang maliwanagan ang bawat mamamayan na ang pagkakaroon ng mental health concern ay hindi kasalanan ng taong dumaranas nito.

--Ads--

Dapat tumatak sa isipan ng bawat isa na hindi kasalanan ng sinumang dumaranas ng depession, post traumatic stress disorders, anxiety disorders at iba pang psychological disorders.

Ang mga dumaranas nito ay minsang biktima ng pamilya, biktima ng lipunan, biktima ng komunidad at biktima ng karahasan sa buhay at dapat na hindi sinisisi ang sinumang dumaranas nito.

Ang mental health o depression  ay hindi  maituturing na “state of mind lamang kundi ito ay psychological at biological in nature.

Kapag nagkaroon ang isang tao ng psychological and biological in nature na depression ay nagkakaroon ng imbalances sa iba’t ibang chemical sa utak o ang neuro-transmitters of the brain.

Kapag bumaba ang lebel ng neuro-transmitters ay malaki ang epekto na sanhi ng pagdanas nito ng sobrang kalungkutan o depresyon.

Nilinaw ni Agoot na hindi lamang depresyon ang sanhi ng pagpapakamatay ng isang tao dahil maraming dahilan.

Napapansin ng mga mental health professionals na marami sa mga pamilya ang hindi natatanggap na may pinagdadaanan o problemang pang-kaisipan ang kanilang miyembro ng pamilya kaya ikinakahiya at itinatago nila ang mga ito.

Ito ang dahilan kaya maraming kabataan at maging may edad na ang nagtatago at mas sinasarili nilang labanan ang kanilang mental health issues.