Umabot sa Metro Manila at ilang bahagi ng Pilipinas ang usok mula sa mga forest fire sa Kalimantan, Indonesia, dahil sa hindi pangkaraniwang wind pattern na tumatawid sa equator.
Ayon kay Dr. Gerry Bagtasa, atmospheric physicist at professor ng meteorology sa UP Institute of Environmental Science and Meteorology, nakita sa satellite images ang mga aktibong sunog sa western at southern Kalimantan na kasabay ng hanging nagdadala ng usok patungo sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Bagtasa na ang cross-equatorial winds mula sa Southern Hemisphere ay dumaraan sa Java Sea at South China Sea bago makarating sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nakatutulong din umano ang umiiral na Habagat sa pagdadala ng usok, habang ang kakulangan ng ulan sa dinaanan nito ay nagbigay-daan upang mas malayo ang marating ng haze.
Bukod sa Metro Manila, naobserbahan din ang malabong kondisyon sa Calabarzon, habang posibleng maapektuhan ang ilang bahagi ng Visayas at Zamboanga.
Batay sa monitoring ng DENR Environmental Management Bureau, naitala noong Lunes ng umaga ang “unhealthy” air quality sa Las Piñas at Makati, na may AQI readings na 103 at 112, ayon sa pagkakasunod.
Inaasahang maaaring manatili ang haze sa susunod na ilang araw habang nagpapatuloy ang mga weather system na nagpapalakas sa Habagat.
Pinapayuhan ang publiko na iwasang manatili sa labas nang matagal kapag lumala ang air pollution at magsuot ng face mask kung kinakailangang lumabas.










