--Ads--

Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si Rodulfo Gracioso Jr. at sinabing wala siyang kailanman natanggap na pera mula rito.

Sa inilabas na pahayag ni Duterte, sinabi niyang hinihintay ng kanyang mga abogado ang opisyal na kopya ng affidavit ni Gracioso mula sa National Bureau of Investigation o NBI upang masimulan ang paghahanda ng mga kasong nais nilang ihain laban dito.

Ayon kay Duterte, matapos umano nilang mapabulaanan ang mga aniya’y kasinungalingan sa testimonya ni Gracioso, mapupunta lamang ito sa basurahan, tulad umano ng affidavit ni Ramil Madriaga.

Tinawag din ni Duterte na panibagong media stunt ang naturang usapin at pagtatangkang buhayin ang aniya’y humihinang impeachment case laban sa kanya.

--Ads--

Iginiit pa ng Bise Presidente na desperado umano ang administrasyon na siya ay pabagsakin, isulong ang Charter Change, pigilan ang 2028 elections at manatili sa kapangyarihan.

Sinabi rin ni Duterte na nais umano ng publiko na sumailalim si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa public drug test at managot sa flood control scandal.

Dagdag pa niya, walang political maneuvering, propaganda o mga distraksiyong aniya’y gawa-gawa lamang ang tuluyang makapipigil sa tinig ng mga Pilipino.