
CAUAYAN CITY – Nadakip ng mga kasapi ng Bambang Police Station ang wanted person na may kasong panggagahasa sa isang menor de edad.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Manny Pawid, Public information officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, sinabi niya na noong ikadalawampu’t dalawa ng Hunyo ng madakip ang pinaghihinalaan sa isang barangay sa Quezon sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Hukom Cicero Jandoc Presiding Judge, ng RTC, 2nd Judicial Region Branch 29, Bayombong, Nueva Vizcaya sa kasong panggagahasa na walang inirekomendang piyansa.
Lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na magkasama sa iisang bahay ang biktima at pinaghihinalaan na live-in partner ng tiyahin ng dalagita.
Aniya paulit-ulit na pinagsasamantalahan ng pinaghihinalaan ang biktima tuwing naiiwan itong mag isa sa bahay dahil pumapasok sa trabaho ang mga magulang nito.
Natuklasan lamang ang pang-aabuso matapos na maglakas loob na magsumbong sa Pulisya ang menor de edad na biktima.
Dahil sa pangyayari muling nagpaalala ang Bambang Police Station sa mga kabataan na agad na mag-ulat kung makaranas ng mga hindi kaaya ayang pangyayari upang agad na madakip ang may sala.










