--Ads--

Sugatan ang dalawang pulis at tatlo pang indibidwal matapos araruhin ng isang van ang sinusundang SUV at mga pulis na nagsasagawa ng Comelec Checkpoint sa Minante 2, Cauayan City pasado alas otso kagabi.

Maliban sa mga pulis ay nagtamo rin ng mga galos ang ilang sakay ng dalawang sasakyan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa tsuper ng van na si Abel Bugtong na residente ng Bubok Bokod Benguet galing umano sila sa Del Pilar Alicia Isabela at patungo sa sentro ng Cauayan City para kumain nang mangyari ang aksidente.

Batay sa kanyang salaysay, sinusundan nila ang SUV nang bigla umano itong tumigil at sa bilis ng takbo ng sasakyan ay hindi na niya nakontrol pa at nabangga ang likurang bahagi ng SUV at saka dumiretso sa gilid ng kalsada at bumangga sa isang sementong poste.

--Ads--

Aniya hindi nila alam na may Comelec checkpoint sa nasabing lugar dahil dumayo lamang sila sa lungsod.

Inamin naman ng tsuper na nakainom sila ng kanyang kasama at nagkayayaan lamang na kakain sa lungsod ng Cauayan.

Humingi naman ng paumanhin ang tsuper dahil sa nasabing aksidente.