CAUAYAN CITY – Tatlo ang patay habang isa ang nasugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Nueva Era, Cabatuan, Isabela.
Nasawi ang tsuper ng Rusi single motorcycle na si Adonis Balagat, 40 anyos, construction worker, residente ng San Manuel, San Mateo, Isabela.
Namatay din ang tsuper ng Honda TMX na si Elias Celeste, 23 anyos, binata, magsasaka at residente Andabuen, Benito, Soliven, Isabela at angkas na si Marvie de Menia, 9 anyos.
Nasugatan naman ang isa pang angkas ni Celeste na si Rose de Menia, 18 anyos na nagtamo rin ng malubhang sugat sa katawan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMSgt. Armando Felipe, imbestigador ng Cabatuan Police Station na binabagtas ni Balagat ang daan sa nasabing barangay patungong direksyon ng San Mateo nang bigla siyang lumipat ng linya na dahilan upang masalpok ang paparating na motorsiklo na sinasakyan ng tatlong biktima.
Dinala sila sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician sina Adonis Balagat, Elias Celeste at Marvie De Menia.
Inilipat naman sa isang ospital sa Cauayan City ang malubhang nasugatan na si Rose De Menia.
Sinasabing nakainom ng alak si Balagat na galing sa trabaho at mabilis ang pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo nang mangyari ang aksidente.