--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang tatlong indibidwal sa banggaan ng tricycle at motorsiklo sa Brgy. Antonino, Alicia, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang motorsiklo ay minamaneho ni Jayvee Rodriguez, 21-anyos, estudyante habang ang angkas nito ay si Gemma Balubal na kapwa residente ng Fortune West Brgy. Aurora, Alicia, Isabela habang ang tricycle naman ay minamaneho ni Ferdinand Rosquita, 37-anyos at residente rin ng naturang barangay.

Batay sa kuha ng CCTV Footage na nasa lugar, patungo sa silangang direksyon ang motorsiklo papunta sa pamilihan ng bayan ng Alicia habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang tricycle.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla na lamang umanong umagaw ng linya ang tricycle na siyang dahilan ng banggaan ng dalawang sasakyan.

--Ads--

Ang dalawang tsuper ay nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan habang ang angkas na si Gemma ay nagtamo naman ng minor injuries.

Agad namang rumesponde ang mga kasapi ng rescue 531 at dinala sa pagamutan ang mga biktima para sa atensyong medikal.