Isa sa mga inaabangang aktibidad sa nalalapit na pagdiriwang ng Gawagaway-yan Festival 2026 sa lungsod ng Cauayan ay ang tagisan ng iba’t ibang produkto mula sa animnapu’t limang barangay sa Lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division (POSD), sinabi niya na layunin ng aktibidad na ito na maipakita at maipagmalaki ng bawat barangay ang kanilang natatanging produkto at kabuhayan, na sumasalamin sa yaman at kultura ng kanilang lugar.
Bukod sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga barangay na maipromote ang kanilang produkto, inaasahan din na makatutulong ito sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at mahikayat ang mas maraming mamimili at bisita sa lungsod.
Samantala, ipinabatid ni Mallillin na sinisimulan na ng kanilang tanggapan ang paghahanda ng deployment plan upang matiyak ang kaayusan at seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad sa ilalim ng Gawagaway-yan Festival.
Paliwanag niya, mahalaga ang maagang pagpaplano at tamang seguridad upang masiguro ang kaligtasan ng mga kalahok, negosyante, at mga mamamayan na dadalo sa selebrasyon.











