Umabot na sa walong nearest kin o kapamilya ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Middle East ang nagrequest ng repatriation sa tanggapan ng Department of Migrant Workers (DMW) Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Atty. Rogelio Benitez ng DMW Region 2, sinabi niya na mismong mga kapamilya ng mga OFW sa Middle East ang nagtungo sa kanilang tanggapan upang magrequest na mairepatriate o mapauwi sa Pilipinas ang kanilang mga kamag-anak na nagtatrabaho sa naturang rehiyon.
Sa walong request, dalawa ang mula sa Cagayan, apat mula sa Isabela, at dalawa naman mula sa Nueva Vizcaya.
Dahil dito, agad na bumuo ng help desk ang tanggapan ng DMW Region 2 na siyang tututok sa pagproseso ng mga kahilingan sa repatriation. Nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang opisina sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang matiyak na kapag nakauwi na ang mga OFW ay maisasailalim sila sa reintegration program, kabilang ang tulong sa kabuhayan at iba pang pangangailangan sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Ayon pa kay Benitez, ang nasabing bilang ay hindi pa kabilang sa opisyal na listahan ng DMW Central Office dahil direktang nakipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang mga kapamilya ng mga OFW at hindi ang mismong mga manggagawa sa ibang bansa.
Batay naman sa talaan ng DMW Central Office, sa mga OFW na nagpahayag na ng kagustuhang magparepatriate mula kahapon, nasa 173 ang mula sa United Arab Emirates (UAE), 52 mula sa Saudi Arabia, at 1,949 mula sa Kuwait.
Samantala, nasa 130 OFW ang kasalukuyang nananatili sa evacuation center sa UAE habang patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa Middle East.
Batay pa sa talaan ng DMW Region 2, wala pang OFW mula sa rehiyon ang opisyal na narepatriate o kabilang sa mga nakauwi na sa bansa kaugnay ng kasalukuyang tensyon.
Gayunman, may isang OFW mula sa Region 2 ang nauna nang narepatriate, ngunit ito ay dahil sa kanyang kondisyong pangkalusugan at hindi kaugnay ng umiiral na tensyon sa rehiyon.
Tiniyak naman ni Benitez na may livelihood assistance na nakahandang ibigay sa mga repatriated OFW upang matulungan silang makapagsimulang muli sa bansa. Gayunpaman, nilinaw niya na hindi agad maibibigay ang nasabing tulong dahil manggagaling pa ang pondo mula sa punong tanggapan ng DMW.
Patuloy namang hinihikayat ng DMW Region 2 ang mga kapamilya ng OFW na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kung may mga nais magparepatriate o nangangailangan ng tulong, upang agad na maiproseso ang kaukulang assistance at masiguro ang kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.











