
CAUAYAN CITY – Nanindigan ang dalawang pinaghihinalaan sa pananaga na self defense lamang ang kanilang ginawa sa magsasaka na kanilang tinaga sa barangay Linglingay.
Unang napaulat na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang magsasaka na si Roberto Suarez, limampong taong gulang matapos pagtatagain ng kapwa magsasaka na sina Jhun Libid at Lito Aquino, parehong nasa tamang edad at pawang residente ng nabanggit na barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumabas sa pagsisiyasat ng Cauyan City Police Station na nanananghalian sa bukid ang tatlo nang punahin ni Libid ang maalat na luto ng biktima.
Sumagot umano ang biktima at sinabi na sa susunod ay sila na lamang ang magluto kaya nainis ang pinaghihinalaan at binato ang biktima na tumama naman sa bunganga nito.
Natanggal ang dalawang ngipin ng biktima at agad namang tumakas ang pinaghihinalaan.
Matapos ang insidente ay hinanap ni Suarez ang suspek at nakita nitong nakikipag-inuman sa isang bahay at dito na niya pinagsusuntok si Libid.
Gayunman, bigla na lamang umanong pinagtataga ang biktima ng isa pang suspek na si Aquino.
Napayakap naman ang biktima sa pinaghihinalaan at nagawa nitong masaksak ang nasabing suspek.
Agad dinala ng mga tumulong sa pagamutan ang biktima.
Nasa pangangalaga na ng PNP Cauayan City ang mga suspek matapos mahuli sa kanilang isinagawang operasyon.










