
CAUAYAN CITY – Muling nagpaalala ang Public Order and Safety Division o POSD sa mga nagbebenta ng mga motorsiklo na suriin din kung may lisensiya ang mga bumibili sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, binigyang diin ni POSD Chief Pilarito Mallillin na karamihang bumibili ng motorsiklo ngayon ay hindi pa marunong magmaneho o walang alam sa batas trapiko.
Aniya, nakipag-ugnayan na rin ang POSD sa mga nagbebenta ng motorsiklo at kanilang pinaalalahanan na hanggat maaari ay limitahan ang pagbebenta o pagpapautang sa mga walang lisensiya.
Aniya, ang mga business owner din ang mapeperhuwisyo sakaling masisira ang mga motorsiklong masangkot sa aksidente.
Hindi rin lubos maisip ni POSD Chief Mallillin kung bakit ang daming magulang ang gustong bigyan ng motorsiklo ang kanilang mga menor de edad na anak na maliban sa walang lisensiya ay hindi pa dumaan sa mga authorize driving school na nagtuturo ng mga batas trapiko.










