CAUAYAN CITY – Nagluluksa ang pamahalaang lokal ng San Mateo, Isabela sa pagkasawi nina Sanguning Bayan Member Michael Angelo Ramones at Barangay Peace Keeping Action Teams (BPATs) member Mario Acupan matapos maaksidente ang sinakyan nilang kotse sa Saranay, Cabatuan, Isabela.
Nasugatan sa aksidente si Barangay Kapitan Sonny Baysa ng Villa Gamiao, San Mateo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Arturo Cachero, hepe ng Cabatuan Police Station, lumabas sa kanilang pagsisisyasat na galing sa Cauayan City sina SB Memeber Ramones, Acupan at Baysa.
Pauwi na sila sa bayan ng San Mateo sakay ng isang kotse at nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan pangunahin na sa harapan ng isang punerarya sa Saranay, Cabatuan, Isabela ay nawalan ng kontol sa manibela si SB member Ramones at bumangga sa pader ng punerarya at nahagip din ang katabing bahay nito.
Agad na dinala sa pagamutan ang mga sakay ng kotse ngunit dead on arrival sina SB member Ramones at BPATs Member Acupan habang nasugatan si Barangay Kapitan Baysa.
Sa ngayon ay naiuwi na ang labi nina SB member Ramones at BPATs Member Acupan sa Villa Gamiao, San Mateo, Isabela.